Linggo, Agosto 10, 2014

Bahagi ng Tulang Elehiya Para kay Ram
Ni Pat V. Villafuerte

Kung ang kamatayan ay isang mahabang paglalakbay
Di mo na kailangang humakbang pa
Sapagkat simula’t simula pa’y pinatay ka na
Ng matitigas na batong naraanan mo
Habang nakamasid lamang
Ang mga batang lansangang nakasama mo
Nang maraming taon.
Silang nangakalahad ang mga kamay
Silang may tangang kahon ng kendi’t sigarilyo
Silang may inaamoy na rugby sa madilim na pasilyo.
Sa pagitan ng maraming paghakbang at pagtakbo
Bunga ng maraming huwag at bawal dito
Sa mga oras na nais mong itanong sa Diyos
Ang maraming bakit at paano
Ay nanatili kang mapagkumbaba at tanggaping ikaw’y tao
At tanggapin ang uri ng buhay na kinagisnan mo.
Buhay na hindi mo pinili dahil wala kang mapipili.
Buhay na di mo matanggihan dahil nasa mga palad mo
Ang pagsang-ayon, ang pagtango at pagtanggap
Bilang bagong ama ng lima mong nakababatang kapatid.

KULTURA: Ang Pamana ng Nakaraan, Regalo ng Kasalukuyan,
at Buhay ng Kinabukasan
ni Pat V. Villafuerte

NOON, ang bawat paghakbang ay isang pagtalunton,
isang pagtahak sa matuwid na landas upang marating ang paroroonan
gaano man ito kalapit, gaano man ito kalayo
gaano man ito kakitid, gaano man ito kalawak
kaunti man o marami ang mga paang humahakbang
mabagal man o mabilis, pahintu-hinto man o tuloy-tuloy
ang bawat paghakbang ay may patutunguhan.
ang bawat paghakbang ay may mararating.
ang bawat paghakbang ay may pagsasakatuparan.
hindi na mabilang ang paghakbang na naganap sa ating kasaysayan
paghakbang na pinuhunanan ng pawis, dugo at luha
paghakbang na kinamulatan ng maraming pagsubok,
pangamba at panganib
mula pa sa panahon ng kawalang-malay
hanggang sa panahon ng walang humpay na pananakop,
digmaan at kasarinlan
at hanggang sa kontemporaryong panahon ng makinasyon
sumibol ang kayraming kulturang sinangkutsa sa ating diwa’t kamalayan
kulturang may ritmo ng pag-awit, may kislot ng pagsayaw,
may haplos ng pag-aalay, may lambing ng panunuyo
at tangis ng pamamaalam.
ito ang ating tinalunton, ito ang bunga ng ating paghakbang:
ang kulturang ipinamana sa atin ng nakaraan.

NGAYON, sa panahon ng pagkamulat at maraming pagbabago,
binhing nakatanim ang maraming kulturang
nag-uumapaw sa ating diwa
nagbabanyos sa ating damdamin
nag-aakyat sa ating kaluluwa
sinubok ng maraming taon
inalay sa mga bagong sibol ng panahon
anumang kulay, anumang lahi, anumang edad, anumang kasarian
ang kultura’y pinayayabong
nang may halong sigla at tuwa,
nang may kasalong pagsubok at paghamon
kulturang sinusuyod ng kapuri-puring ugali at marangal na kilos
kulturang inihahain ng pagsamba’t prusisyon
kulturang sinasalamin ang pasko’t pistang-bayan
kulturang pinaaawit ng pasyon at pagsasabuhay ng Poon
kulturang patuloy na sumisibol at ipinapupunla ng tradisyon:
pampamilya, pang-eskuwela, pampolitika, panrehiyon at pambansa
na dinilig ng maraming pagpapaalala, paggabay at patnubay
at pinayaman ng makukulay na karanasan
kulturang inihain at tinanggap, sinunod at isinakatuparan
ito ang regalo ng kultura
regalo ng kasalukuyan.

BUKAS, ang kulturang itinudla ng nakaraan
at inireregalo ng kasalukuyan ay bubuhayin ng kinabukasan
at mananatiling repleksyon ng kabutihan
kulturang gagalang sa mga bata’t matanda
kulturang rerespeto sa mga babae’t may kapasanan
kulturang luluklok ng pagbabayanihan at pagkakapatiran
kasaliw ng mga awiting bayan at katutubong sayaw
katali ng pagsasadula’t pagbabalagtasan
diwang marangal ang ipupunla. kariringgan ng maraming wika
magkakapantay sa kalayaan at karapatan
magsasama-sama, magkakapit-bisig, magtutulung-tulungan
habang patuloy na humahakbang upang galugarin pa
ang kulturang pagyayamanin ng ating lahi
ng lahing magiting
ng lahing kapuri-puri
ng lahing marangal.

pagbabalik


  • Ang Pagbabalik
  • ni Jose Corazon de Jesus

  • Babahagya ko nang sa noo’y nahagkan,
  • Sa mata ko’y luha ang nangag-unahan;
  • Isang panyong puti ang ikinakaway,
  • Nang siya’y iwan ko sa tabi ng hagdan:
  • Sa gayong kalungkot na paghihiwalay,
  • Mamatay ako, siya’y nalulumbay!

  • Nang sa tarangkahan, ako’y makabagtas
  • Pasigaw ang sabing, “Magbalik ka agad!”
  • Ang sagot ko’y “Oo, hindi magluluwat!”
  • Nakangiti akong luha’y nalaglag...
  • At ako’y umalis, tinunton ang landas,
  • Nabiyak ang puso’t naiwan ang kabiyak;

  • Lubog na ang araw, kalat na ang dilim,
  • At ang buwan nama’y ibig nang magningning:
  • Maka orasyon na noong aking datnin,
  • Ang pinagsadya kong malayang lupain:
  • Kuwagong nasa kubo’t mga ibong itim,
  • Ang nagsisalubong sa aking pagdating.

  • Sa pinto ng naro’ong tahana’y kumatok,
  • Pinatuloy ako ng magandang loob;
  • Kumain ng konti, natulog sa lungkot,
  • Ang puso kong tila ayaw nang tumibok;
  • Ang kawikaan ko, “Pusong naglalagot,
  • Mamatay kung ako’y talaga nang kulog!”

  • Nang kinabukasang magawak ang dilim,
  • Araw’y namimintanang mata’y nagniningning;
  • Sinimulan ko na ang dapat kong gawin:
  • Ako’y nag-araro, naglinang, nagtanim;
  • Nang magdidisyembre, tanim sa kaingin,
  • Ay ginapas ko na’t sa irog dadalhin.

  • At ako’y umuwi, taglay ko ang lahat,
  • Mga bungang-kahoy, isang sakong bigas;
  • Bulaklak na damo sa gilid ng landas,
  • Ay pinupol ko na’t panghandog sa liyag;
  • Nang ako’y umalis, siya’y umiiyak...
  • O, marahil ngayon, siya’y magagalak!

  • At ako’y lumakad, halos lakad takbo,
  • Sa may dakong ami’y meron pang musiko,
  • Ang aming tahana’y masayang totoo
  • At nagkakagulo ang maraming tao...
  • “Salamat sa Diyos!” ang nabigkas ko,
  • “Nalalaman nila na darating ako.”

  • At ako’y tumuloy... pinto ng mabuksan,
  • Mata’y napapikit sa aking namasdan;
  • Apat na kandila ang nangagbabantay;
  • Sa paligid-ligid ng irog kong bangkay;
  • Mukha nakangiti at nang aking hagkan;

Para pang sinabi “Irog ko, paalam!”

estella zeehandelaar

Grade 9: Mga babasahin para sa Aralin 1.4

https://encrypted-tbn1.gstatic.com/
images?q=tbn:ANd9GcQJ0P1cVu8aPIme
_pjaA9UgZQqILiveGAMJZIUKLf1srfZ9lUwi

Kay Estella Zeehandelaar
Salin ni Ruth Elynia S. Mabanglo
Mula sa Mga Liham ng Isang Prinsesang Javanese Japara,
Mayo 25, 1899

Ibig na ibig kong makakilala ng isang “babaeng moderno,” iyong babaeng malaya, nakapagmamalaki’t makaakit ng aking loob! Iyong masaya, may tiwala sa sarili, masigla’t maagap na hinaharap ang buhay, puno ng tuwa at sigasig, pinagsisikapan hindi lamang ang sariling kapakanan at kundi maging ang kabutihan ng buong sangkatauhan.
Buong kasabikan kong sinasalubong ang pagdating ng bagong panahon; totoong sa puso’t isip ko’y hindi ako nabibilang sa daigdig ng mga Indian, kundi sa piling ng aking mga puting kapatid na babae na tumatanaw sa malayong Kanluran.
Kung pahihintulutan lamang ng mga batas ng aking bayan, wala akong ibig gawin kundi ang ipagkaloob ang sarili sa mga nagtratrabaho’t nagsisikap na bagong kababaihan ng Europe; subalit nakatali ako sa mga lumang tradisyong hindi maaaring suwayin. Balang-araw maaaring lumuwag ang tali at kami’y pawalan,ngunit lubhang malayo pa ang panahong iyon. Alam ko, maaaring dumating iyon, ngunit baka pagkatapos pa ng tatlo o apat na henerasyon. Alam mo ba kung paano mahalin ang bago at batang panahong ito ng buong puso’t kaluluwa kahit nakatali sa lahat ng batas, kaugalian at kumbensyon ng sariling bayan? Tuwirang
sumasalungat sa kaunlarang hinahangad ko para sa aking mga kababayan ang lahat ng mga institusyon namin. Wala akong iniisip gabi’t araw kundi ang makagawa ng paraang malabanan ang mga lumang tradisyon namin. Alam kong para sa aking sarili’y magagawa kong iwasan o putulin ang mga ito, kaya lamang ay may mga buklod na matibay pa sa alinmang lumang tradisyon na pumipigil sa akin; at ito ang pagmamahal na inuukol ko sa mga pinagkakautangan ko ng buhay, mga taong nararapat kong pasalamatan sa lahat ng bagay. May karapatan ba akong was akin ang puso ng mga taong walang naibigay sa akin kundi pagmamahal at kabutihan, mga taong nag-alaga sa akin ng buong pagsuyo?
Ngunit hindi lamang tinig nito ang umaabot sa akin; ang malayo, marikit at bagong-silang na Europe ay nagtutulak sa aking maghangad ng pagbabago sa kasalukuyang kalagayan. Kahit noong musmos pa ako’y may pang-akit na sa aking pandinig ang salitang “emansipasyon”; may isang naiibang kabuluhan ito, isang kahulugang hindi maaabot ng aking pang-unawa. Gumigising ito para hangarin angpagsasarili at kalayaan- isang paghahangad na makatayong mag-isa. Ang puso ko’y sinusugatan ng mga kondisyong nakapaligid sa akin at sa iba, buong lungkot na pinag-aalab ang mithiin kong magising ang aking bayan.
Patuloy na lumapit ang mga tinig na galing sa malayong lupain, umaabot sa akin, at sa kasiyahan ng ilang nagmamahal sa akin at sa kalungkutan ng iba, dala nito ang binhing sumupling sa aking puso, nag-ugat, sumibol hanggang sa lumakas at sumigla.
Ngayo’y kailangang sabihin ko ang ilang bagay ukol sa sarili upang magkakilala tayo. Panganay ako sa tatlong babaing anak ng Regent ng Japara. Ako’y may anim na kapatid na lalaki at babae. Ang lolo kong si Pangeran Ario Tjondronegoro ng Demak ay isang kilalang lider ng kilusang progresibo noong kapanahunan niya. Siya rin ang kaun-aunahang regent ng gitnang Java na nagbukas ng pinto para sa mga panauhin mula sa ibayong dagat-ang sibilisasyong Kanluran. Lahat ng mga anak niya’y may edukasyong European, at halos lahat ng iyon (na ang ilan ay patay na ngayon) ay umiibig o umibig sa kanlurang minana sa kanilang ama; at nagdulot naman ito sa mga anak nila ng uri ng pagpapalaking nagisnan nila mismo. Karamihan sa mga pinsan ko’t nakatatandang kapatid na lalaki ay nag-aral sa Hoogere-Burger School, ang pinakamataas na institusyon ng karunungang matatagpuan dito sa India. Ang bunso sa tatlong nakatatandang kapatid kong lalaki’y tatlong taon na ngayong nag-aaral sa Netherlands atnaglilingkod din naman doon bilang sundalo ang dalawa pa. Samantala, kaming mga babae’y bahagya nang magkaroon ng pagkakataong makapag-aral dahil na rin sa
kahigpitan ng aming lumang tradisyon at kumbensyon. Labag sa aming kaugaliang pag-aralin ang mga babae, lalo’t kailangang lumabas ng bahay araw-araw para pumasok sa eskwela. Ipinagbabawal ng aming kaugalian na lumabas man lamang ng bahay ang babae. Hindi kami pinapayagang pumunta saan man, liban lamang kung sa paaralan, at ang tanging lugar na pagtuturong maipagmamalaki ng siyudad namin na bukas sa mga babae ay ang libreng grammar school ng mga European.
Nang tumuntong ako ng ikalabindalawang taong gulang, ako ay itinali sa bahay-kinailangang “ikahon” ako. Ikinulong ako at pinagbawalang makipaguganayan sa mundong nasa labas ng bahay, ang mundong hindi ko na makikita marahil liban kung kasama ko na ang mapapangasawang estranghero, isang dikilalang lalaking pinili ng mga magulang ko, ang lalaking ipinagkasundo sa akin nang di ko namamalayan. Noong bandang huli, nalaman kong tinangka ng mga kaibigan kong European na mabago ang pasyang ito ng mga magulang ko para sa akin, isang musmos pa na nagmamahal sa buhay, subalit wala silang nagawa. Hindi
nahikayat ang mga magulang ko; nakulong ako nang tuluyan. Apat na mahahabang taon ang tinagal ko sa pagitan ng makapal na pader, at hindi ko nasilayan minsan man ang mundong nasa labas.
Hindi ko alam kung paano ko pinalipas ang mga oras. Ang tanging kaligayahang naiwan sa aki’y pagbabasa ng mga librong Dutch at ang pakikipagsulatan sa mga kaibigang Dutch na hindi naman ipinagbawal. Ito-ito lamang ang nag-iisang liwanag na nagpakulay sa hungkag at kainip-inip na panahong iyon, na kung inalis pa sa akin ay lalo nang nagging kaawa-awa ang kalagayan ko. Lalo sigurong nawalan ng kabuluhan ang buhay ko’t kaluluwa. Subalit dumating ang kaibigan ko’t tagapagligtas-ang Diwa ng panahon; umalingawngaw sa
lahat ng dako ang mga yabag niya. Nayanig sa paglapit niya ang palalo’t matatag na
balangkas ng mga lumang tradisyon. Nabuksan ang mga pintong mahigpit na nakasara, kusa ang iba, ang iba nama’y pilit at bahagya lamang ngunit bumukas pa rin at pinapasok ang mga di-inanyayahang panauhin.
Sa wakas, nakita kong muli ang mundo sa labas nang ako’y maglabing-anim na taon. Salamat sa Diyos! Malalabasan ko ang aking kulungan nang Malaya at hindi nakatali sa isang kung sinong bridegroom. At mabilis pang sumunod ang mga pangyayari nagpabalik sa aming mga babae ng mga nawala naming kalayaan.
Nang sumunod na taon, sa oras ng pagtatalaga sa poder ng bata pang prinsesa (bilang Reyna Wilhemina ng Netherland), “opisyal” na inihandog sa amin ng mga magulang namin ang aming kalayaan. Sa kauna-unahang pagkakataon sa aming buhay, pinayagan kaming umalis sa bayan naming at pumunta sa siyudad na pinadarausan ng pagdiriwang para sa okasyong iyon. Anong dakila ng tagumpay iyon! Ang maipakita ng mga kabataang babaeng tulad namin ang sarili sa labas, na imposibleng mangyari noon. Nasindak ang “mundo” naging usap-usapan ang “krimeng” iyon na dito’y wala pang nakagagawa. Nagsaya ang aming mga kaibigang European, at para naman sa amin, walang reynang yayaman pa sa amin. Subalit
hindi pa ako nasisiyahan. Lagi, ibig kong makarating sa malayo, mas malayo. Wala akong hangaring makipamista,o malibang. Hindi iyon ang dahilan ng paghahangad kong magkaroon ng kalayaan. Ibig kong malaya upang makatayo ng mag-isa, magaral, hindi para mapailalim sa sino man, at higit sa lahat, hindi para pag-asawahin nang sapilitan.
Ngunit dapat tayong mag-asawa,dapat, dapat. Ang hindi pag-aasawa ang pinakamalaking kasalanang magagawa ng isang babaeng Muslim. Ito ang pinakamalaking maipagkakaloob ng isang katutubong babae sa kanyang pamilya.
At ang pag-aasawa para sa amin-mababaw pa ngang ekspresyon ang sabihing miserable. At paano nga ba hindi magkakaganoon, kung tila ginawa lamang para sa lalaki ang mga batas, kung pabor para sa lalaki at hindi para sa babae ang batas at kumbensyon; kung ang lahat ng kaluwaga’y para sa kanya lang.

Sanaysay 1
Pinalaki tayo sa kasinungalingan. Bata pa lang tayo, sinanay na tayo sa mga nilalang na hindi naman natin nakikita. kapre, tikbalang, manananggal, tiyanak, multo at mangkukulam. Mga lamang-lupa raw ang tawag dito. Nagtataka ako kung bakit hindi isinama ang kamote, sibuyas at luya. Mga lamang-lupa din naman iyon.
Kapag nagkakasakit tayo, ipinipilit ng Nanay na masarap ang lasa ng gamut para sa sakit mo. Kahit kalasa iyon ng tinta ng pentel pen o panis na mantika. Para mapainom ka, kailangang pasinungalingang pagkasarap-sarap ng gamot kahit pati sila kapag umiinom nito ay nagkakandangiwi na rin sa simangot. At may batok ka galing kay Tatay kapag nailuwa mo at naisuka. Sayang ang ipinambili ng gamot.
Sanaysay 2
Ang ating mundo ay nangangailangan ng balance upang mapanatili nito ang kaayusan ng ecosystem. Ang ecosystem na ito ang nagdidikta sa kaayusan o “pagiging balance” ng ating kapaligiran at nagiging dahilan ng balanseng pamumuhay ng lahat ng nilalang na nakatira dito sa ating planeta. Hindi lamang ang mga tao ang kasama sa usaping ito. Mahalaga ring malaman na ang mga hayop at halaman na kasama nating namumuhay rito ay nangangailangan din ng mabuting pamumuhay. Kung hindi mapananatili ang balanseng sistema nito, maaaring magdulot ito ng mga problema hindi lamang sa ating panahon kundi pati na rin sa mga panahong darating. Ayaw nating lahat na mangyari ito at magdusa ang lahat. Gusto nating magkaroon ng magandang sistema ang ating mundo upang tayong lahat na nabubuhay rito ay magkaroon ng maligaya at malinis na pamumuhay. Sa mga basurang itinatapon nang walang kontrol sa araw-araw, dahan-dahan nating sinisira ang ating kapaligiran lalo na ang mundong ating ginagalawan. Ngunit may panahon pa para magbago ang ating nakasanayan. Maaari pa nating gawan ng solusyon ang lumalalang problema sa basura lalo na sa ating lugar na kinabibilangan. Sa mga produktong na ating binibili sa araw-araw, maaari nating simulan ang recycle upang mapababa ang basura na likha ng mga ito. Ang mga produktong gawa sa papel halimbawa ay maaari pang i-recycle upang mabawasan
kahit kaunti ang basurang maaari nitong malikha sa ating mundo. Kung hindi tayo kikilos sa ngayon, baka mahuli ang lahat. Ngayon na ang panahon upang maisaayos ang suliranin natin sa basura at maging maayos ang ating pamumuhay pati na rin ang pamumuhay ng mga darating na henerasyon.

Miyerkules, Agosto 6, 2014

alamat ni prinsesa manorah

Alamat ni Prinsesa Manorah (Salin ni: Dr. Romulo N. Peralta)

Ang Alamat ni Prinsesa Manorah (Isinalin sa Filipino ni Dr. Romulo N. Peralta) Isang alamat na pasalin-salinsa iba’t ibang panahon at henerasyon mula noong panahonng Ayutthaya at nagbigay- inspirasyon kay Haring Rama V ng Thailand.


Si Kinnaree Manorah ay isang prinsesang alamat ng Thai at ang pinakabata sa pitong anak na kinnaree ng Haring Prathum at Reynang Janta kinnaree. Siya ay nakatira sa maalamat na kaharian ng Bundok Grairat. Ang pitong kinnaree ay kalahating babae at kalahating sisne. Sila’y nakalilipad at nagagawang itago ang kani-kanilang pakpak kung kanilang nanaisin. Saloob ng kahariang Krairat (Grairat), nakatago ang kagubatan ng Himmapan kung saan din namamahay ang mga nakatatakot nanilalang na hindi kilala sa daigdig ng mga tao. Sa loob ng kagubatan, nakakubli ang maganda at kaaya-ayang lawa kung saan ang pitong kinnaree ay masayang dumadalaw lalo na sa araw ng Panarasi (kalakihan ng buwan). Sa di-kalayuan ng lawa, nakatira ang isang ermitanyo na nagsasagawa ng kaniyang meditasyon. Isang araw, napadako ang isang binata habang naglalakbay sa kagubatan ng Himmapan. Siya ay si Prahnbun. Nakita niya ang pitong kinnaree na masayang nagtatampisaw sa ilog. Namangha siya sa nakabibighaning kagandahan ni Prinsesa Manorah. Naisip niya na kung mahuhuli niya ang prinsesa, dadalhin niya ito kay Prinsipe Suton, ang anak ng Haring Artityawong at Reyna Jantaivee ng Udon Panjah. Tiyak na matutuwa ang prinsipe at tuluyang mapapaibig ito sa prinsesa. Ngunit naitanong niya sa sarili kung paano niya ito mahuhuli. Alam ni Prahnbun na may ermitanyong nakatira sa malapit ng kagubatan. Pinuntahan niya ito upang magpatulong sa kaniyang balak. Sinabi saka niya ngermitanyo na napakahirap ang manghuli ng kinnaree dahil agad-agad itong lumilipad kapag tinatakot. Ngunit naisip ng ermitanyo na may isang dragon nanakatira sa pinakasulok-sulukan ng kagubatan na maaaring makatulong sa kanila. Nagpasalamat ang binata sa ermitanyo at nagmamadaling lumisan upang hanapin ang dragon. Hindi natuwa ang dragon nang marinig ang balak ni Prahnbun, ngunit napapayag din itong bigyan niya si Prahnbun ng makapangyarihang lubid na siyang panghuhuli niya sa Prinsesa Manorah. Nagpasalamat ang binata at patakbong umalis na dala-dala ang makapangyarihang lubid at patagong tinungo ang ilog kung saan naglalaro ang mga kinnaree. Habang abala sa paglalaro ang mga kinnaree, inihagis ni Prahnbun ang lubid at matagumpay na nahuli si Prinsesa Manorah. Ganun nalamang ang pagkaawa ng ibang mga kapatid ng prinsesa. Ngunit sila’y walang nagawa kundi agad- agad nalumipad dahil sa takot na sila rin ay paghuhulihin. Itinali nang mahigpit ni Prahnbun ang pakpak ni Prinsesa Manorah upang hindi makawala at tuluyang madala pabalik sa Udon Panjah at maibigay kay Prinsipe Suton nanoo’y naglalakbay rin sakay sa kabayo papunta sa kagubatan. Nakasalubong niya si Prahnbun dala-dala si Prinsesa Manorah. Agad-agad na naakit sa kagandahan ni Prinsesa Manorah ang prinsipe. Nang isalaysay ni Prahnbun kay Prinsipe Suton ang dahilan kung bakit niya hinuli at dinala ang prinsesa sa harap niya, nagpasalamat ang prinsipe at binayaran siya nito ng napakalaking halaga. Nagbalik ang prinsipe sa kaniyang palasyo dala-dala si Prinsesa Manorah kung saan umusbong ang isang tunay na pag-ibig sa isa’t isa. Nang sabihin ng prinsipe sa kaniyang inang prinsesa at amang hari angbuong pangyayari, masayang-masaya sila at agad-agad nagbalak na magsagawa ng kasalpara kina PrinsipeSuton at PrisesaManorah. Bumalik sila sa palasyo ng Udon Panjah kung saan isinagawa ang kasal at tuluyang namuhay nang masaya’t matiwasay habambuhay.
                                                                               ANG AMA

                                                                 Salin ni Mauro R. Avena



Magkahalo lagi ang takot at pananabik kapag hinihintay ng mga bata ang kanilang ama. Ang takot ay sa alaala ng isang lasing na suntok sa bibig na nagpapatulo ng dugo at nagpapamaga ng ilang araw sa labi. Ang pananabik ay sa pagkain na paminsan-minsa'y inuuwi ng ama - malaking supot ng mainit na pansit na iginisa sa itlog at gulay. Ang totoo, para sa sarili lang niya ang iniuuwing pagkain ng ama, lamang ay napakarami nito upang maubos niya nang mag-isa; pagkatapos ay naroong magkagulo sa tira ang mga bata na kangina pa aali-aligid sa mesa. Kundi sa pakikialam ng ina na mabigyan ng kaniya-kaniyang parte ang lahat - kahit ito'y sansubo lang ng masarap na pagkain , sa mga pinakamatanda at malakas na bata lamang mapupunta ang lahat, at ni katiting ay walang maiiwan sa maliliit.


Anim lahat ang mga bata. Ang dalawang pinakamatanda ay isang lalaki, dose anyos, at isang babae, onse; matatapang ang mga ito kahit na payat, at nagagawang sila lang lagi ang maghati sa lahat ng bagay kung wala ang ina, upang tiyaking may parte rin ang maliliit. May dalawang lalaki, kambal, na nuwebe anyos, isang maliit na babae, otso anyos at isang dos anyos na paslit pa, katulad ng iba, ay maingay na naghahangad ng marapat niyang parte sa mga pinag-aagawan. 


Natatandaan ng mga bata ang isa o dalawang okasyon na sinorpresa sila ng ama ng kaluwagang-palad nito - sadyang nag-uwi ito para sa kanila ng dalawang supot na puno ng pansit guisado, at masaya nilang pinagsaluhan ang pagkain na hirap nilang ubusin. Kahit na ang ina nila'y masayang nakiupo sa kanila't kumain ng kaunti.


Pero hindi na naulit ang masayang okasyong ito, at ngayo'y hindi nag-uuwi ng pagkain ang ama; ang katunaya'y ipinapalagay ng mga batang mapalad sila kung hindi ito umuuwing lasing at nanggugulpi ng kanilang ina. Sa kabila niyo'y umaasa pa rin sila, at kung gising pa sila pag-uwi sa gabi ng ama, naninipat ang mga matang titingnan nila kung may brown na supot na nakabitin sa tali sa mga daliri nito. Kung umuuwi itong pasigaw-sigaw at padabug-dabog, tiyak na walang pagkain, at ang mga bata'y magsisiksikan, takot na anumang ingay na gawa nila ay makainis sa ama at umakit sa malaking kamay nito upang pasuntok na dumapo sa kanilang mukha. Madalas na masapok ang mukha ng kanilang ina; madalas iyong marinig ng mga bata na humihikbi sa mga gabing tulad nito, at kinabukasan ang mga pisngi at mata niyon ay mamamaga, kaya't mahihiya itong lumabas upang maglaba sa malalaking bahay na katabi nila. Sa ibang mga gabi, hindi paghikbi ang maririnig ng mga bata mula sa kanilang ina, kundi isang uri ng nagmamakaawa at ninenerbiyos na pagtawa at malakas na bulalas na pag-ungol mula sa kanilang ama at sila'y magtatanong kung ano ang ginagawa nito.


Kapag umuuwi ang ama ng mas gabi kaysa dati at mas lasing kaysa dati, may pagkakataong ilalayo ng mga bata si Mui Mui. Ang dahila'y si Mui Mui, otso anyos at sakitin at palahalinghing na parang kuting, ay madalas kainisan ng ama. Uhugin, pangiwi-ngiwi, ito ay mahilig magtuklap ng langib sa galis na nagkalat sa kanyang mga binti, na nag-iiwan ng mapula-pulang mga paste, gayong pauli-ulit siyang pinagbabawalan ng ina. Pero ang nakakainis talaga ay ang kanyang halinghing. Mahaba at matinis, iyon ay tunatagal ng ilang oras, habang siya ay nakaupo sa bangko sa isang sulok ng bahay, namamaluktot ng pahiga sa banig kasama ang ibang mga bata, na di-makatulog. Walang pasensiya sa kanya ang pinakamatandang lalaki at babae, na malakas siyang irereklamo sa ina na pagagalitan naman siya sa pagod na boses; pero sa gabing naroon ang ama, napapaligiran ng bote ng beer na nakaupo sa mesa, iniingatan nilang mabuti na hindi humalinghing si Mui Mui. Alam nila na ang halinghing niyon ay parang kudkuran na nagpapangilo sa nerbiyos ng ama at ito'y nakakabulahaw na sisigaw, at kung hindi pa iyon huminto, ito'y tatayo, lalapit sa bata at hahampasin iyon ng buong lakas. Pagkatapos ay haharapin nito at papaluin din ang ibang bata na sa tingin nito, sa kabuuan, ay ang sanhi ng kanyang kabuwisitan. 


Noong gabing umuwi ang ama na masamang-masama ang timpla dahil nasisante sa kanyang trabaho sa lagarian, si Mui Mui ay nasa gitna ng isang mahaabang halinghing at di mapatahan ng dalawang pinakamatandang bata gayung binalaan nilang papaluin ito. Walang anu-ano, ang kamao ng ama ay bumagsak sa nakangusong mukha ng bata na tumalsik sa kabila ng kuwarto, kung saan ito nanatiling walang kagalaw-galaw. Mabilis na naglabasan ng bahay ang ibang mga bata sa inaasahang gulo. Nahimasmasan ng ina ang bata sa pamamagitan ng malamig na tubig.


Pero pagkaraan ng dalawang araw, si Mui Mui ay namatay, at ang ina lamang ang umiyak habang ang bangkay ay inihahandang ilibing sa sementeryo ng nayon may isang kilometro ang layo doon sa tabi ng gulod. Ilan sa taga-nayon na nakakatanda sa sakiting bata ay dumating upang makiramay. Sa ama na buong araw na nakaupong nagmumukmok ay doble ang kanilang pakikiramay dahil alam nilang nawalan ito ng trabaho. Nangolekta ng abuloy ang isang babae at pilit niya itong inilagay sa mga palad ng ama na di-kawasa, puno ng awa sa sarili, ay nagsimulang humagulgol. Ang balita tungkol sa malungkot niyang kinahinatnan ay madaling nakarating sa kanyang amo, isang matigas ang loob pero mabait na tao, na noon di'y nagdesisyong kunin siya uli, para sa kapakanan ng kanyang asawa at mga anak. Dala ng kagandahang-loob, ito ay nagbigay ng sariling pakikiramay, kalakip ang munting abuloy (na minabuti nitong iabot sa asawa ng lalaki imbes sa lalaki mismo). Nang makita niya ang dati niyang amo at marinig ang magaganda nitong sinabi bilang pakikiramay sa pagkamatay ng kanyang anak, ang lalaki ay napaiyak at kinailangang muling libangin.


Ngayo'y naging napakalawak ang kanyang awa sa sarili bilang isang malupit na inulilang ama na ipinaglalamay ang wala-sa-panahong pagkamatay ng kanyang dugo at laman. Mula sa kanyang awa sa sarili ay bumulwak ang wagas na pagmamahal sa patay na bata, kaya't madalamhati siyang nagtatawag, "Kaawa-awa kong Mui Mui! Kaawa-awa kong anak!" Nakita niya ito sa libingan sa tabi ng gulod - payat, maputla, at napakaliit - at ang mga alon ng lungkot at awa na nagpayanig sa matipuno niyang mga balikat at brasong kayumanggi ay nakakatakot tingnan. Pinilit siyang aluin ng mga kapit-bahay, na ang iba'y lumayo na may luha sa mga mata at bubulong-bulong, "Maaring lasenggo nga siya at iresponsable, pero tunay na mahal niya ang bata".


Tinuyo ng nagdadalamhating ama ang kanyang mga luha at saka tumayo. Mayroong siyang naisip. Mula ngayon, magiging mabuti na siyang ama. Dinukot niya sa bulsa ang perang ibinigay ng kanyang amo sa asawa (na kiming iniabot naman ito agad sa kanya, tulad ng nararapat). Binilang niya ang papel-de-bangko. Isa man dito ay hindi niya gagastahin sa alak. Hindi na kailanman. Matibay ang pasiya na lumabas siya ng bahay. Pinagmasdan siya ng mga bata. Saan kayo pupunta, tanong nila. Sinundan nila ito ng tingin. Papunta ito sa bayan. Nalungkot sila, dahil tiyak nila na uuwi itong dalang muli ang mga bote ng beer. 


Pagkalipas ng isang oras, bumalik ang ama. May bitbit itong malaking supot na may mas maliit na supot sa loob. Inilapag nito ang dala sa mesa. Hindi makapaniwala ang mga bata sa kanilang nakita, pero iyon ba'y kahon ng mga tsokolate? Tumingin silang mabuti. Mayroong supot ng ubas at isang kahon yata ng biskwit;. Nagtaka ang mga bata kung ano nga ang laman niyon. Sabi ng pinakamatandang lalaki'y biskwit; nakakita na siyang maraming kahon tulad niyon sa tindahan ni Ho Chek sa bayan. Ang giit naman ng pinakamatandang babae ay kendi, 'yong katulad ng minsa'y ibinigay nila ni Lau Soh, na nakatira doon sa malaking bahay na pinaglalabhan ng nanay. Ang kambal ay nagkasiya sa pangdidilat at pagngisi sa pananabik; masaya na sila ano man ang laman niyon. Kaya't nagtalo at nanghula ang mga bata. Takot na hipuin ang yaman na walang senyas sa ama. Inip silang lumabas ito ng kanyang kwarto. 


Di nagtagal ay lumabas ito, nakapagpalit na ng damit, at dumiretso sa mesa. Hindi dumating ang senyas na nagpapahintulot sa mga batang ilapat ang mga kamay sa pinag-iinteresang yaman. Kinuha nito ang malaking supot at muling lumabas ng bahay. Hindi matiis na mawala sa mata ang yaman na wari'y kanila na sana, nagbulingan ang dalawang pinakamatanda nang matiyak na hindi sila maririnig ng ama. "Tingnan natin kung saan siya pupunta." Nagpumilit na sumama ang kambal at ang apat ay sumunod nang malayu-layo sa ama. Sa karaniwang pagkakataon, tiyak na makikita sila nito at sisigawang bumalik sa baha, pero ngayo'y nasa isang bagay lamang ang isip nito at hindi man lang sila napuna. 


Dumating ito sa libingan sa tabing-gulod. Kahuhukay pa lamang ng puntod na kaniyang hinintuan. Lumuhod at dinukot ang mga laman ng supot na dahan-dahang inilapag sa puntod, habang pahikbing nagsalita, "Pinakamamahal kong anak, walang maiaalay sa iyo ang iyong ama kundi ang mga ito. Sana'y tanggapin mo." Nagpatuloy itong nakipag-usap sa anak, habang nagmamasid sa pinagkukublihang mga halaman ang mga bata. Madilim na ang langit at ang maitim na ulap ay nagbabantang mapunit anumang saglit, pero patuloy sa pagdarasal at pag-iyak ang ama. Naiwan sa katawan ang basang kamisadentro. Sa isang iglap, ang kanina pang inip na inip na mga bata ay dumagsa sa yaman. Sinira ng ulan ang malaking bahagi niyon, pero sa natira sa kanilang nailigtas nagsalu-salo sila tulad sa isang piging na alam nilang di nila mararanasang muli.