Bahagi ng Tulang Elehiya Para kay Ram
Ni Pat V. Villafuerte
Kung ang kamatayan ay isang mahabang paglalakbay
Di mo na kailangang humakbang pa
Sapagkat simula’t simula pa’y pinatay ka na
Ng matitigas na batong naraanan mo
Habang nakamasid lamang
Ang mga batang lansangang nakasama mo
Nang maraming taon.
Silang nangakalahad ang mga kamay
Silang may tangang kahon ng kendi’t sigarilyo
Silang may inaamoy na rugby sa madilim na pasilyo.
Sa pagitan ng maraming paghakbang at pagtakbo
Bunga ng maraming huwag at bawal dito
Sa mga oras na nais mong itanong sa Diyos
Ang maraming bakit at paano
Ay nanatili kang mapagkumbaba at tanggaping ikaw’y tao
At tanggapin ang uri ng buhay na kinagisnan mo.
Buhay na hindi mo pinili dahil wala kang mapipili.
Buhay na di mo matanggihan dahil nasa mga palad mo
Ang pagsang-ayon, ang pagtango at pagtanggap
Bilang bagong ama ng lima mong nakababatang kapatid.
KULTURA: Ang Pamana ng Nakaraan, Regalo ng Kasalukuyan,
at Buhay ng Kinabukasan
ni Pat V. Villafuerte
NOON, ang bawat paghakbang ay isang pagtalunton,
isang pagtahak sa matuwid na landas upang marating ang paroroonan
gaano man ito kalapit, gaano man ito kalayo
gaano man ito kakitid, gaano man ito kalawak
kaunti man o marami ang mga paang humahakbang
mabagal man o mabilis, pahintu-hinto man o tuloy-tuloy
ang bawat paghakbang ay may patutunguhan.
ang bawat paghakbang ay may mararating.
ang bawat paghakbang ay may pagsasakatuparan.
hindi na mabilang ang paghakbang na naganap sa ating kasaysayan
paghakbang na pinuhunanan ng pawis, dugo at luha
paghakbang na kinamulatan ng maraming pagsubok,
pangamba at panganib
mula pa sa panahon ng kawalang-malay
hanggang sa panahon ng walang humpay na pananakop,
digmaan at kasarinlan
at hanggang sa kontemporaryong panahon ng makinasyon
sumibol ang kayraming kulturang sinangkutsa sa ating diwa’t kamalayan
kulturang may ritmo ng pag-awit, may kislot ng pagsayaw,
may haplos ng pag-aalay, may lambing ng panunuyo
at tangis ng pamamaalam.
ito ang ating tinalunton, ito ang bunga ng ating paghakbang:
ang kulturang ipinamana sa atin ng nakaraan.
NGAYON, sa panahon ng pagkamulat at maraming pagbabago,
binhing nakatanim ang maraming kulturang
nag-uumapaw sa ating diwa
nagbabanyos sa ating damdamin
nag-aakyat sa ating kaluluwa
sinubok ng maraming taon
inalay sa mga bagong sibol ng panahon
anumang kulay, anumang lahi, anumang edad, anumang kasarian
ang kultura’y pinayayabong
nang may halong sigla at tuwa,
nang may kasalong pagsubok at paghamon
kulturang sinusuyod ng kapuri-puring ugali at marangal na kilos
kulturang inihahain ng pagsamba’t prusisyon
kulturang sinasalamin ang pasko’t pistang-bayan
kulturang pinaaawit ng pasyon at pagsasabuhay ng Poon
kulturang patuloy na sumisibol at ipinapupunla ng tradisyon:
pampamilya, pang-eskuwela, pampolitika, panrehiyon at pambansa
na dinilig ng maraming pagpapaalala, paggabay at patnubay
at pinayaman ng makukulay na karanasan
kulturang inihain at tinanggap, sinunod at isinakatuparan
ito ang regalo ng kultura
regalo ng kasalukuyan.
BUKAS, ang kulturang itinudla ng nakaraan
at inireregalo ng kasalukuyan ay bubuhayin ng kinabukasan
at mananatiling repleksyon ng kabutihan
kulturang gagalang sa mga bata’t matanda
kulturang rerespeto sa mga babae’t may kapasanan
kulturang luluklok ng pagbabayanihan at pagkakapatiran
kasaliw ng mga awiting bayan at katutubong sayaw
katali ng pagsasadula’t pagbabalagtasan
diwang marangal ang ipupunla. kariringgan ng maraming wika
magkakapantay sa kalayaan at karapatan
magsasama-sama, magkakapit-bisig, magtutulung-tulungan
habang patuloy na humahakbang upang galugarin pa
ang kulturang pagyayamanin ng ating lahi
ng lahing magiting
ng lahing kapuri-puri
ng lahing marangal.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento